Hindi na ako magi-ingles kasi araw-araw ko naman na ginagawa yun dito habang nasa ibang bansa ako. Hindi ko na rin susubukan masyado na magsaliksik para sa mga isusulat ko ngayon dito. 'Ika nga nila, hubad na katotohanan lang at pighati.
Hindi ko maintindihan yung nararamdaman ko. Dismaya ba 'to? Pagkalungkot? Pero ang sa tingin kong nangingibabaw na damdamin sa ngayon ay TAKOT. Mahirap ipaliwanag ang pangamba. Halo-halo na kasi. Pangamba para sa kasalukuyan, pangamba para sa ibang tao na nasa laylayan at pamgamba para sa hinaharap.
Aaminin ko, umasa talaga ako sa progresibo at may resibong gobyerno sana ni Leni Robredo at Kiko Pangilinan. Umasa ako na kahit anong hirap ng buhay, alam kong ang naibibigay kong parte sa gobyerno ay nailalagay sa maayos. Tulad ng ibang kakilala kong kakampink or pinklawan, hindi lang naman kasi sarili namin ang iniisip namin kaya gusto naming bumoto ng tama. Iniisip namin yung mga taong HIGIT na nangangailangan, yung mga taong kahit anong pagsusumikap, wala talaga. Yung mga taong isang kahig, isang tuka. Kung sarili ko lang rin naman, hindi na ako mamromroblema pa. Ayun nga lang, HINDI AKO BULAG SA KATOTOHANAN SA BANSA NATIN. Mas marami ang mahirap at naghihirap.
Hindi naman ako galing sa mayamang pamilya. Lowest of the low middle class nga ata kami. Nagkataon lang na nasa Maynila ako, Makati to be exact, at may mga oportunidad. Libreng paaral mula elementarya hanggang mataas na paaralan. Libreng mga gamit sa iskwela, lahat. Ang mga iskwelahan din ay nagkalat, meron sa bawat barangay o kaya nasa centro ng magkatabing barangay. Sabi nga noon sa amin, mag-aaral ka na lang talaga. Kahit nga wala kang baon eh, makakapasok ka pa rin. May soup and juice noon sa halagang 5 pesos hanggang makatapos ako ng elementarya. HINDI LAHAT AY MERON NITONG PRIBILEHIYO.
EDUKASYON. Iyan, sa palagay ko, ang kailangan ng bawat isa para magkaroon tayo ng kakayahang makapagdesisyon ng tama at nauukol sa mga bagay-bagay (hal. pagboto). Hindi mo pwedeng sabihin sa akin na parehas ang kapasidad na makapag-isip ng mga taong nakapagsipagtapos at nakakuha ng mataas na pinagaralan kumpara sa mga taong hanggang elementarya lamang o mataas na paaralan ang natapos. Hindi dahil sa dami ng Math, Chemistry, Physics o kung ano pa mang subjects yan sa kolehiyo o mataas na paaralan yan kaya ko to nasabi, kung hindi yung level ng pagaanalitika, pagde-desisyon base sa naibibigay na sitwasyon at pagsusuri ng mga datos na pinipresenta. Iyan ang naide-develop ng "mas" pa kapag mas mataas ang iyong pinagaralan.
Gusto ko ring bigyang diin na ang mga Pilipino ay natural na ma-padrino at madamdamin. Sa aking opinyon, iyang dalawang bagay na yan ang nakakahadlang sa ating pag-unlad. Masyado tayong naka-pokus sa ating mga nararamdaman at ating pinaniniwalaan na nakakalimutan na nating tumingin sa kung ano ba talaga ang totoo sa hindi.
Kaya nakakatakot ang hinaharap. Ngayon, kumakalat na ang mga maling impormasyon. Ginagawa itong "fuel" ng mga masasamang loob o mga taong may pansariling interes para maglikom pa ng mas maraming pera upang maibulsa. Nakakatakot kasi maging ang ating kasaysayan ay pilit na binubura ng mga taong may masamang intensyon o ganid sa kapangyarihan. Nakakatakot dahil ang tanging nais lamang natin ay maging malaya sa paghihirap at maging totoong malayang Pilipinas ngunit ito ay nahahadlangan ng paulit-ulit na maling desisyon tuwing halalan. Nakakatakot na hanggang sa ngayon, na sobrang dali na manaliksik dahil sa "internet", hirap na hirap pa rin tayong malaman ang totoo sa hindi dahil sa mga fake news. Nakakatakot na ang taong bayan na nagluluklok sa mga opisyales na hahawak ng kanilang buhay at hinaharap ay hindi pa rin naaarmasan ng tamang edukasyon.
No comments:
Post a Comment